Entertainment

Joed Serrano withdraws candidacy for senator

Inurong na ng producer-actor na si Joed Serrano ang kanyang kandidatura sa pagka-senador para sa 2022 elections noong December 10.

Sa kanyang official statement noong December 16, binanggit ni Joed na “malinis at marudob ang intensyon” niya na ipaglaban sana ang karapatan ng LGBTQIA+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, questional, intersex, at asexual) community.

Bahagi rin daw ng adbokasiya niya na mapababa ang singil ng tubig at elektrisidad at magkaroon ng standardization ng minimum wage sa Maynila at probinsiya.

Pero nagbago ang isip ni Joed na pasukin ang pulitika.

Ikinagulat nito na “PHP 800 million” ang kakailanganin niya sa kanyang kandidatura, at tingin niya ay isa ito sa malaking rason kung bakit nangungurakot ang isang pulitiko pag nanalo ito sa eleksyon.

“PHP800 million daw ang kakailanganin ko para sa kampanya, na sa bandang huli ang ginastos ay babawiin lang sa taumbayan pag nakaupo na,” lahad ni Joed.

Sabi pa niya, “Hindi kaya ng aking kalooban ang laro ng pulitika kung saan ang mga tao ay sanay magbitaw ng mga pangako na sa huli ay napapako lamang.

Continue reading below ↓

“Ayokong baguhin ang sarili ko at sa huli ay tawagin lang ‘mambobola.’”

Napag-alaman din ni Joed na hindi uubra na wala siyang partido.

Aniya, “Tumakbo ako bilang independent sa kagustuhan na walang paboran na kahit na anong partido .pero sa huli ay isa pala ito sa requirement na hihingin.”

Nagbukas din ng saloobin si Joed na alam niya na isa sa tirada sa kanya ng ibang detractors ay wala siyang natapos na kurso at karanasan sa public service.

“Alam ko na marami ang kumuwestiyon, nagtaka at maaaring ang iba nga ay nagtawa pa sa aking desisyon na tumakbo sa kabila ng binubutas sa akin na walang akong natapos o anumang eksperyensiya.

“Ang kaya ko lang ipagmalaki ay siguraduhin ay ang taos puso kong intensyon na makatulong at makapaglingkod sa ating mga kababayan,” diin niya.

Sa huli nagbitaw naman ng salita si Joed na hindi pa rin siya nagsasara ng pinto sa public service.

“Di man ito mangyari ngayong eleksyon ay maaari itong maganap pagdating ng panahon.

“Ika nga, ‘timing is everything.’ Sa tamang panahon, alam ko na maaaring pasukin ko rin ang mundo ng pulitika.

“Di man ngayon, pero maaring bukas makalawa o sa panahong kawayan uli ako ng mas malakas ng tawag na serbisyo totoo at paglilingkod.”

Ilan sa mga naiprodyus na pelikula ni Joed ay ang Anak Ng Macho Dancer (2021) na pinagbidahan ni Sean de Guzman at Kontrabida (still unreleased) na ang bida ay si Nora Aunor.

Nakapagprodyus din siya ng mga concert nina Vice Ganda, Alden Richards, Alex Gonzaga, pati na international artists tulad nina Celine Dion at Josh Groban.

Siya ay isa ring aktor na nadiskubre sa defunct youth-oriented show na That’s Entertainment.

HOT STORIES

We are now on Quento! to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.



Source link

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

close